Sardonic









Minsan ay naligaw ako sa Bambang para may bilhin sa Human Nature outlet doon. Dahil dayo ako ng Tondo, isang maling liko at napadpad ako sa lugar ng mga squatter.

Sa dulo ng kalsada ay may makipot na eskinita. Ang lagusan ay tumatagos sa mga bahay na yari sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero. Dalawang palapag man ang mga ito pero ilang pamilya rin ang nagsisiksikan dito. Naiimagine ko na sako lang ang nagsisilbing dingding ng mga kuwarto samantalang karton naman ang papag. Para magkasiya ang isang mag-asawa na may anim na anak, ilan sa kanila ang kailangang manatili sa labas at uuwi na lamang kapag oras na ng pagtulog.

Ilang hakbang rin ang nilakad ko para nakalabas ng eskinita. Doon ay tumambad sa akin ang mga batang naglalaro sa daan. Dedma na sa init ng panahon o sa gutom na maari nilang nararanasan. Basta't makaramdam ng kalayaan sa larong habulan, okay lang kahit ang hapag kainan ay walang laman.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Ilang matatanda rin ang nakasalubong ko sa daan. Marami sa kanila ang galing sa pangangapitbahay. Samantalang ang iba naman ay tila sawa na sa pagtunganga, kaunting pahangin sa kalsada ay sapat na upang masabing buo ang kanilang araw.

Malapit sa bukana ay napansin ko ang mga bahay na gawa sa tarpulin. Ang mga ito'y nakatirik sa tabi ng mataas na pader na kaunting uga lang ay tiyak na tutumba. Kapansin pansin na walang banyo ang mga bahay. Kung pagmamasdan itong mabuti, ang loob nito'y sapat lang para maging tulugan ng isang tao.

Pero kadalasan, mahigit tatlo ang nagkakasya dito.

Ang mga larawang ito, sampu ng iba pang inuwi ko galing sa aking mga paglalakbay ang paulit-ulit na nagtampisaw sa aking utak habang umiinit ang debate sa Harapan tungkol sa RH Bill.

At bumabayo ang malakas na hanging dala ni Bebang sa lansangan.