Naging ruta na ni Manong Potpot ang eskinita sa labas ng aming lumang bahay. Tuwing alas tres ng hapon ang kanyang dating - tamang tama bago mag Batibot na kasunod naman ay Carebears na noon ay sa Channel 4 pinapalabas. Sa basketball court na ang tawag sa amin ay Badjao, maririnig ang busina ng paparating na kariton. Dali-daling magsisilabasan ang mga bata't mga tambay mula sa kanilang mga bahay na nag-uunahan sa snack na pinapalit ng magkakariton.
Palibhasa ay salat sa barya, pasimple akong kakaripas ng takbo patungong labahan. Masukal ang lugar at ang katabi noon ay ang bodega. Doon nakatago ang mga bote na ginagamit kong pamalit sa Cheese Curls na pang trade-in ni Manong Potpot sa halip na pera.
Makailang beses na akong sinabihan ng matatanda na marumi daw ang Cheese Curls. Maraming ulit na rin akong napalo dahil sa pagiging pasaway ko. Pero sino ba naman ang hindi makakapigil sa Cheese Curls ni Manong. Bukod sa lasa itong Chickadees, (na laging may libreng laruan na kasama ang bawat pack) ang tunay na selling point ng curls ay ang pagiging libre nito.
Nakalagay ang Cheese Curls sa isang dambuhalang transparent na supot katabi ng mga boteng nakoleta ni Manong Potpot sa buong araw na pag-iikot. Hindi ko alam kung ilang araw bago maubos ang laman ng plastic, pero anong silbi ng kaalamang ito sa batang laging gutom? Ang bawat boteng pamalit (na kadalasan ay Tanduay o kaya naman ay Silver Swan) ay katumbas ng isang takal na nilalagay ng magkakariton sa lumang diyaryo na binalot na parang cone. Ni minsan ay hindi sumakit ang tiyan ko dito. Nagkabulate man ako (sa kadahilanang hindi connected sa Cheese Curls) pero ayos lang, matamis naman ang Combatrin.