Frustration ko talaga ang kumanta. Noong hindi pa ako tuli at nagagawa ko pa ang mag-soprano ay nakasali pa ako sa choir ng high school namin. Isang taon rin yun. Natanggal lang ako nang magsimulang pumiyok na ang boses ko. May inter-school competition kasi na sasalihan ang school at kesa magkalat ako at matalo kami ay piniling tanggalin na lang ako ng choirmaster sa roster.
Hindi na ako nakabalik sa choir pagkatapos.
Tuwing Pasko ay may reunion ang pamilya namin. Nagkikita kaming magpipinsan at dahil mga bata pa ay napipilit kami ng mga matatanda na mag-talent show muna. Yun daw ang kundisyon bago ibigay ang pera na galing sa mga kamag-anak namin sa states. Never akong nagpractice sa talent portion gaya ng mga bata kong pinsan. Sa halip ay pahirapan muna bago ko bitawan ang controller ng Sega tuwing ako ay tatawagin na para magpakita ng talento.
Minsan ay napuwersa nila ako sa harap ng mga tiyuhin at tiyahin. Confident na marunong akong kumanta, nilagay nila ang cassette tape ng paborito kong music artist. Nakalimutan ko na kung ano ang kinanta ko, pero ang comment ni favorite aunt, puwede daw akong pang-third voice.
Hindi na ulit ako kumanta sa harap ng maraming tao simula noon.
Dumaan ang maraming taon at naging tagumpay ako sa pag-iwas sa mga kantahan. Nalaos na ang walkman at naging obsolete na ang karaoke pero ako ay naging mailap pa rin. Masuwerte na lang siguro na napasama ako sa mga barkadang tinaguriang mga basag rin ang boses. Yung unang grupo ay nadala sa pagiging japorms ang pag-iwas sa microphone. Yung ikalawa naman ay piniling mag-sound trip na lang kesa sabayan sa pagkanta ang mga trip nilang mga banda.
Minsan ay napapakanta rin ako ng hindi sinasadya, lalo pa't paniwalang paniwala ako na nag-iisa lang sa paligid. Kapag time na ng chorus at nagkataon namang ako ay bigay na bigay, nariyan si utol para magsabing huwag daw akong umungol na parang kalabaw.
Siyempre, tiklop na naman ako. Wala naman talagang marunong kumakanta sa aming pamilya.
Tanggap ko na sana ang katotohanang malayo sa puso ko ang pagkanta. Pero nang minsang umuwi ako ng bahay na medyo heartbroken, wala akong nagawa kung hindi makipag-duet sa desktop pc. Kaiba sa marami, alternative ang mood music ko tuwing in-love o kaya naman ay sugatan ang puso. Hindi ko alam kung bakit, pero nang gabing iyon, sinira na naman ni utol ang aking moment.
"Kuya ikaw ba yung kumakanta?"
"Oo bakit?" Clinick ko yung stop button ng Windows Media Player. Tiyak na pintas na naman ang abot ko nito.
"Hindi nga? Para kasing hindi ikaw eh."
"Anong ibig mong sabihin?" Ang tagal kasi bago ibagsak ang punchline eh.
"Parang gumanda yata ang boses mo."
Hindi na ako kumanta pagkatapos noon, pero bakas ang ngiti sa aking mukha. Ikaw ba naman ang binigyang papuri ng iyong number 1 critic eh. Hanggang ngayon ay pilit ko pa ring iniisip kung ano yung kinanta ko noong gabing yun. Badtrip kasi limot ko na talaga.
Marahil ang papuring iyon ang dahilan kung bakit pumayag akong samahan si Papa Tagay mag-videoke. First meet-up namin at salamat sa anim na Red Horse ay bangenge kaming dalawa.
Wala talaga akong balak kumanta. Masaya na akong may kainuman sa may Ayala (Boulevard) habang nagkukunwaring straight kasama nung mga Tau Gamma na tambay ng katabing bilyaran. Kaso mo, biglang naihi si Papa Tagay kung kailan i-pla-play na yung next song niya. Hindi ko alam kung nasaan ang pause button at sayang naman kung walang sasalo ng playlist.
"Bahala na," Sabi ko, habang mahigpit na hawak ang microphone na noon ay basa na ng pawis.
Tenenenenen.... Tenenenenen... Tenenenenenen... Ang sarap sa tenga ng intro ng gitara.
So lately, been wondering
Who will be there to take my place
When I'm gone you'll need love to light the shadows on your face
If a great wave shall fall yeah fall upon us all
Then between the sand and stone could you make it on your own.
Hiyawan yung mga waitress at ibang mga customer na umiinom kasabay namin ni Papa Tagay. Ako rin ay hindi makapaniwala na kaya ko palang kumanta. Dala siguro ng sipa ng kabayo kaya nawala ang hiya sa akin. Sa halip ay napalitan ito ng kapal ng mukha na siyang nagbigay lakas-loob para tapusin ko ang buong kanta.
Hindi ko alam kung hanggang saan ang narinig ni Papa Tagay. Pero nakita kong nakangiti ito habang pinapasa ang mic sa susunod na kakanta. Simula noon ay The Calling na ang pambato ko sa playlist. Minsan ay Sponge Cola o kaya naman ay Matchbox 20 na tamang-tama lang sa boses ko.
Mahiyain pa rin ako gaya ng dati, kaya tuwing may Videoke Nights ay madalas na lugi ako sa hatian. Pero asahan mo na sa oras na malasing ako, basta alternative yan ay hindi ako umaatras.
Minsan, napipilitan pa akong kumanta - kahit sa isang sulok - matanggal lang ang pagkahilo kapag ako ay nakakarami na.