Isang umaga.
"Anak ikaw ba yung naglagay ng mga santo sa sahig?"
"Anong santo? Kagigising ko lang noon at nagpupungas ng mata. May hangover pa kasi ako matapos makipag-inuman sa mga ka-tropa buong gabi.
"Bumaba kasi si Ka Noli kanina para umihi tapos nakita niya yung dalawang birhen sa sahig.
Akala niya nung una na iniwan ni Junjun yun kasi may kinatatakutan. Teka, tawagin mo nga si Junjun para siya magkuwento." Si Junjun ang aming lesbian driver.
Makalipas ang ilang minuto ay humarap sa amin si Junjun. Paliwanag niya na may nagtayo daw ng dalawang rebulto ni Birheng Maria sa sahig. Pareho daw itong nakaharap sa kanilang kuwarto (maid's quarters) at animo'y para daw itong nagpruprusisyon.
Akala ni Junjun na si Ka Noli ang may sala. Depensa naman ni mama na paano daw yun magagawa ni bayaw samantalang abala ang mag-asawa na kanilang sanggol. Upang higit na maliwanagan, pinatawag ni ermats si yaya. Hindi pa tinatanong ang kasambahay ay nagkuwento na kaagad ito.
"Nakita ko na yung mga santo nung umihi ako ng 4:30." Bungad ni yaya. "Sabi ko pa nga, 'aba itong si Mugen eh parang Mongoloid, mag-iwan ba naman ng santo sa sahig. Para namang magpapatayan kami ni junjun.'" Lumabas kasi na nag-aaway yung dalawa noong madaling araw.
Napakunot ang noo ko.
"Ikaw ba ang nag-iwan ng santo sa sahig?" Muling tanong sa akin ni ermats.
"Ano naman pakielam ko sa mga santo!" Depensa ko. "Saka kelan ba ako nagtrip sa mga tao rito?"
Ayaw pa sana maniwala ni yaya. Pero dahil kasama namin si Fidra na dating nag-alaga sa akin (bumisita siya para silipin ang aking pamangkin) at isa ring ubod ng hilig sa mga pamahiin, walang nagawa ang nang-aakusa kundi pakinggan ang kanyang panig.
"Tanggapin niyo na lang kasi na may nagmilagro." Sermon ni Fidra na sa mga oras na iyon ay nakaupo sa tabi ni Mudra.
"Kayo na rin ang nagsabi na magbabalibagan sana itong si junjun at yaya kaninang madaling araw kaya hayan, nag-iwan sa inyo ng mensahe ang birhen!"
Doon namin nalaman na para daw sinasapian si yaya noong madaling araw. According to junjun na medyo kinikilabutan na, kung anu-ano daw pananakot ang sinasabi ng kasambahay mapuwersa lang ang driver na i-silent mode ang kanyang phone. Nag-away ang dalawa dahil alas-tres na ay ka-text pa rin ni junjun ang kanyang girlfriend.
Pinakuha ang mga rebultong naglakad sa kusina para suriin. Claim ni Mama na unang hawak pa lang niya sa Our Lady of Loreto ay nanginig daw ang kanyang mga kamay. Lalo pang nagsitayuan ang mga balahibo ng mga naroon nang madiskubre na walang gaps kung saan dating nakalagay ang mga santo sa altar.
"Kung tao ang kumuha niyan, dapat walang nag-ayos sa lalagyan nila..." Paliwanag ni mama na puno ng misteryo ang mukha.
Hanggang sa bahay ni favorite aunt noong kinahapunan ay umabot ang balita. Hindi ito masyadong pinansin dahil na rin sa hindi pagkahilig ng mga tao dun sa mga milagro. Kinagabihan ay usap-usapan pa rin ang mga nangyari. Sabi ni mama na kukunsulta daw siya kay Stargazer na isang psychic at madalas niyang sinusubaybayan sa DZMM.
Aabutin pa ng araw bago tuluyang maka-get over ang mga tao sa amin sa nangyaring himala.
Pero ang hindi nila alam, may nag-iisang saksi kung paano napunta ang mga birhen sa sahig ng kusina.
"Kilala ko ang salarin!" Ito siguro ang intro ng piping saksi.
"Umuwi siya ng madaling araw sakay ng isang taxi. Matapang ang kanyang amoy at kapareho nito yung lumalabas na tubig sa bote na may pulang kabayo. Naabutan ko siya sa labas ng bahay at sa halip na matuwa sa akin ay muntikan pa akong batuhin. Ang ingay ko daw kasi.
Nang pumasok kami sa loob ay dire-diretso itong nagsipilyo ng ngipin at naglinis ng mukha. Akala ko nung una ay hindi niya narinig ang away na nangyayari sa loob ng kuwarto ni Master JJ at Master Y. May umiiyak, may nagsisipa, may nagbabanta. Scary talaga kasi alam ko kung paano mag-away yung dalawa.
Sa halip na pabayaan na lang magbalibagan ay umeksena itong salarin. Nagsermon pa nga siya na mahiya daw yung dalawa kasi may sanggol na natutulog sa kuwarto. Walang gustong mag-give way kaya sa huli, nagdecide ang nagsesermon na matulog na lang sa sala.
Umakyat lang siya sandali. Bitbit na niya ang kumot pagbaba. Nang bubuksan na niya yung electric fan ay hindi ito gumana. Baka ito ay sira at hindi pa napapagawa. Halatang badtrip ang may sala dahil naupo ito sandali. Para bang nag-iisip. Ako naman ay nahiga malapit sa kusina. Inaabangan kung ano ang magiging kilos ng mga tao sa paligid ko.
Tahimik siyang tumayo at pagkatapos ay kumuha ng dalawang rebulto na patayong iniwan sa tapat ko. Actually napagitnaan ako ng dalawang birhen na hindi kinaya ng powers ko kaya ako lumipat. May rug naman sa may pinto palabas kaya dun na lang ako pumuwesto. Goodluck sa buntot diba?
Umakyat ang salarin at hindi na bumaba pa.
Mataas na ang sikat ng araw pero ang mga rebulto ay naiwan pa rin sa sahig.