Hele | Duyan




Ang  dapat sanang muling  pagpikit ng aking mga mata ay paulit-ulit na napuputol dahil sa manaka-nakang pag-iyak ni Baby Lenin sa katapat na kuwarto. Inihabilin kasi siya  upang alagaan ng kanyang lola habang  ang mama nito ay nakiki-rally sa Mendiola. Pinuntahan ko ang mag-lola upang tingnan kung paano makakatulong. Nalaman ko na pinapatulog pala ang bata pero ayaw nitong dapuan ng antok.

Naabutan kong nakaupo si Lenin habang nakasandal ang likod nito sa dibdib ng matanda. Hawak-hawak ang laruang bola na binili ni Baabaa, ito ay hihikbi, iiyak at saka lang titigil kapag hinele ng kanyang lola.

Tumingin ang sanggol sa akin at waring nagpapabuhat. Ako naman na hindi pumasok sa trabaho sa pag-aakalang magkakasakit ay nagpaubaya. Malakas kasi ang pamangkin ko sa akin. Gawain ko na rin pati ang siya ay kargahin mula nang una itong nakatulog sa aking braso.


Buhat-buhat ang bata, nagsimulang umugoy ang aking katawan.  Nakadantay  si Lenin sa aking balikat habang sapo-sapo ang kanyang ulo.  Kung dati-rati ay kumanta pa ako ng Oyayi para lang ito makatulog, ang sakit ng katawan at katamaran ng isip ang pumigil sa akin sa pagkakataong ito. Hinayaan kong ang oldies music sa TV ang aming maging kundiman.

Ayaw  tablan ng antok ang bata at kahit wala man sa trabaho, nagpasya akong tutukan ang mga kaganapan sa opisina. Iba na talaga ang may Broadband Connection. Ngunit dahil ang computer ay nasa kuwarto, nagpaalam ako na isasama si Lenin. Balak ko ihele ang bata habang nakatutok ang isang mata sa system interface ng aming kliyente.

Nakakabingi ang  katahimkan kaya't binuksan ko ang aking music library sa paniwalang makakatulong ang Classics sa pagpapaantok ng aking karga karga. Noon pa man ay pangarap ko na itong maka-sound trip subalit walang panahon.  Gusto ko kasing ipasa sa kanya ang pagkahilig sa mga tugtuging hindi lang sa RX at Love Radio naririnig.

Ganito rin kasi ang palaki sa akin.

Nagpatuloy ako sa aking paghele, at habang nakatingin sa nakangiting bata, (na noon ay nakasubo sa bibig ang mga daliri) naisip ko ang kanyang  buhay paglaki. Matatandaan kaya niya ang aming mga bonding moments?  May magsasabi kaya na minsan ay nakatulog siya sa aking mga braso?  Malalaman kaya niya na ngumiti siya sa aking partner nang ipakilala  ko sila sa isa't-isa.  Magiging magalang at maaruga kaya ito sa kanyang mga magulang, at hindi gagaya sa pinsan kong nambubugbog ng sariling ina?



Sa sobrang daming possibilities, minsan ay hindi ko maiwasan ang hindi mag-alala.

Siguro ay sadya lang akong ganito dahil alam ko, kahit kailan ay hindi ako makakagawa ng katulad niya.

Tumugtog si Pachelbel pero mulat pa rin ang  mata ni Lenin.  Sunod naman ay si Bach na ang masiglang obra ay higit na nagpagising sa aking  pinapatulog. Matapos ang  ilang bigkas ng Aba Ginoong Maria (makaramdam po sana ng gutom ang aking pamangkin sapagkat hindi pa ito umiinom ng gatas simula pagkagising) at nang magsimula ang malumanay na Piano intro ni Jim Chappell, sa wakas ay nagsimulang pumikit ang mata ng sanggol at unti-unti itong inantok sa aking braso.

Bumagal ang aking pag-ugoy, habang ang electric fan naman ay pinatama  ko sa aking katawan para umakyat ang hangin patungo sa aking dinuduyan. Hindi pa man natatapos ang kantang  Gone ay nakatulog  na ang bata.

Hindi  ko na pinatagal sa akin si Baby Lenin.  Alam kong gusto na rin siyang makapiling ng aking mama lalo pa't bihira na rin niya itong makasama. Dahan-dahan ay binalik ko ito sa kanya. Mabilis itong kinuha ng may kasamang babala na hindi na masasanay ang bata ng pinapatulog ng nakaupo lang. 

Hindi nagtagal ay nakatulog ng magkatabi ang dalawa.  Magkayakap.

Habang ako naman ay muling humarap sa nag-iintay na trabaho ng may ngiti sa mata.