Deterrent





Makulit, madaldal at madalas ay nasa lansangan. Ilan lamang ito sa mga paglalarawan sa akin noong ako ay bata pa lang. Lumaki ako na kasama ang mga kasambahay at dahil sa medyo pasaway, a little creativity is required para ako ay madisiplina.

Hindi uso ang palo sa amin, (kasi naman, mga parents lang ang puwede gumawa noon) kaya naman kapag gabi na at nasa kalye pa rin, ang mga kasambahay na ang gumagawa ng paraan kung paano ako mapapa-uwi o kaya ay mapapatulog.

Using their time-honored tradition, (kung saan sa kanilang probinsya ay usong-uso gawing panakot ang mga walang malay na aswang, white lady pati na rin yung kapre sa puno ng balite.) lahat ng mga ginawang panindak sa mga yaya ng mga matatanda ay ipinasa rin nila sa mga bata.

There is of course, the urban twist.

Hindi ko alam kung pareho tayo ng kinagisnan. Basta ang alam ko, ilan lamang ang mga panakot na ito na talagang sineryoso ko nung kabataan.


1.  "Huhulihin ka ng bumbay at ilalagay sa sako"


Likas sa Pinoy ang maging racist. Likas rin sa atin ang mahilig mangutang. At dahil ang mga bumbay lang ang nagpapautang ng walang collateral, sila ang madalas tinatakbuhan kapag nagigipit sa pera.

Yun nga lang, mataas ang tubo sa payb-six.

Para man lang makabawi sa patayang pagbabayad, ginagawang panakot sa mga bata ang bumbay. Sino ba naman kasi ang lalapit kay manong na naka-turban, makapal ang puting balbas at bigote, at madalas kakaiba ang amoy. I'm not a racist but I don't come close to people strange to me.

Hindi man kami umuutang sa bumbay noon pero kumakaripas ako ng takbo papasok sa bahay kapag dumadaan na ang bumbay para maningil ng utang sa mga kapitbahay.


2.  "Hahabulin ka ng lumilipad na kabaong"


Kung magkakasisihan sa kung sino ang unang nagpauso ng panakot na ito, una kong ituturo ang Shake, Rattle and Roll. Pangalawa ang Gabi ng Lagim sa radyo na talaga namang nagpapatakip ng tenga ko kapag nakikinig na sina ate.

Mga kupal sila.

Paboritong panakot ito kapag gabi na at ayaw ko pa matulog. Madalas ang banta sa akin, makikita ko daw sa bintana yung kabaong tapos biglang mawawala. The next thing I know ay nasa harap ko na ang kabaong na may kasamang nangangamoy at naaagnas na patay sa loob.

Grisly much?

Ilang gabi rin akong napatulog ng nakatalukbong kahit sobrang init habang iniisip na yung kabaong ay lumulutang lang sa ibabaw ng kama ko.


3. "Naglalaro na ang mga duwende sa likod bahay."


Minsan nang natawas ang kapatid ko. Ayon sa basa ni Tiya Sabel (ang resident albularyo sa lugar namin), napagkatuwaan daw si utol ng mga puting duwende na nakatira sa likod-bahay namin. Ilang beses na rin nagkuwento ang mga matatanda ng mga mapanindig-balahibong "encounters with the unknown" sa kusina. Katabi lang kasi nito ang lugar kung saan naroon ang mga lamang lupa.

Totoo man o hindi ay mabilis akong napaniwala sa kuwento. In fact, sa sobrang takot at respeto ko sa mga duwende, pati yung kabute na umusbong sa harap ng bahay namin ay inakala kong bahay nila. If I remember it correctly, nag-iwan pa yata ako ng alay sa mga kabuteng iyon.

Tuloy pa rin ang "encounters with the unknown" sa bahay kung saan ako lumaki, pero sa panahon ng Facebook at Camera Phone, tila hindi na masyadong benta ang mga duwendeng minsan ay binalak ko pang kaibiganin.


4.  Aswang in the City


Sa panahong nagbi-binata na ang pamangkin ko, hindi ko alam kung bebenta pa rin ang ideyang ito: Imagine, matandang babae, mahaba, hindi nagsha-shampoo at nakalugay ang buhok, luwa at mapula ang mata, may malaking pakpak gaya ng sa paniki at nahahati ang katawan sa dalawa. If I know, Baby Lenin would ask, "Uncle bakit hindi nahuhulog yung organs niya?" Siyempre tameme na ako. Ang alam ko lang, para masunog ang aswang ay dapat binubudburan mo ng asin (or abo) yung lower part ng katawan niya.

May isang panahon rin na napabalitang may naligaw na aswang sa kamaynilaan. Sabi sa Taliba, namataan daw ito sa Letre, Malabon kung saan hinihinalang nakatira sa squatter's colony ang aswang.  Siyempre, kahit sa Santa Mesa kami nakatira, wala kaming idea na napapagod rin sa paglipad ang aswang, at kung kakain man ito ng fetus na nasa tiyan, marami naman na malapit lang.

Pero hindi nagpaawat ang mga kasambahay. Sa tuwing pahirapan ako sa pagtulog, lagi nilang sasambitin, "Sige ka, makikita mo yung aswang na nanlilisik ang mata sa bintana."


5.  "Hahabulin ka ng tsinelas"


Ako ay naniniwala na habang dumarami ang mga BPO at Call Centers sa bansa ay higit na nagiging "westernized" ang ating values. Sa halip na palo ang abot ng mga bata, grounded ito kapag gumawa ng kasalanan. At dahil busy rin ang mga magulang sa pagtratrabaho, madalas ay ang kasambahay naiiwan para magbantay ng mga anak.

Hindi ganito ang buhay noon. Kung makulit ay may palo sa puwet. Kung pasaway at nabagok ang ulo o natanggalan ng ngipin, sinturon ang katapat. Kapag nawala ng ilang oras at hindi mahanap, (kasi nangapitbahay na) sa sinturon rin ang uwi ng bata. Kapag mababa ang grades sa school kakalaro sa labas, ang sinturon rin ang magiging kalaro mo.

Tingin ko naman na hindi pa mawawala ang palo bilang paraang ng pagpaparusa, pero naman, kung Havaianas lang ang gagamitin, please, kamay na lang.