Tagay-Mo-Pre




"What's Mia Patro?"

Ang text mo sa akin isang madaling araw. Madali lang naman sagutin ang iyong tanong. Kahit na magnose-bleed ka pa sa aking reply. Pero sa pagkakataong iyon, pinili ko ang bumalik sa pagtulog - this time - ng may ngiti sa aking labi. 

I remember how it all started. Sa isang gay dating website yun. Pinagtatawanan natin yung isang thread founder dahil sa kanyang press-release na isa siyang "str8." I told you the qualities of a very straight-acting person, and it takes one to know one. Ramdam ko ang angas mo. Dagdagan mo pa ng hirit na isa kang dakilang tomador. Natapos ang gabi na nagkapalitan tayo ng number. All we need is to meet up and have a drink kung magkakaroon ng pagkakataon. 

Yaman rin lang na marami akong oras kaya pinaunlakan ko ang iyong imbitasyong makipag-inuman. "I'm wearing elephant pants with glitters." Sabi ko. "Naka pink-shirt ako kaya kung hindi mo trip ay umuwi ka na." Biro ko pa. Alam ko naman na anuman ang sabihin ko, hindi ka maniniwala. If I'm not mistaken, narinig mo na ang boses ko sa phone. Walang makakalimot sa amin na iyon ang iyong paraan upang i-screen ang mga taong hangad mong kitain.

And I would remember the Red Horse. Peste yun! Naka-anim yata tayo habang makulimlim sa labas, ang lansangan ay puno ng mga estudyante, at sa loob naman ng billiard bar kung saan mo ako dinala ay puno ng mga frat boys na kulang na lang ay magrambulan dahil lang natabig ng isa ang bote ng beer sa kabilang billiard table. Ganunpaman, hanep lang ang turning point sa buhay ko nung hapong iyon.

Sapagkat sa katanghalian ng aking paghahanap, isa ikaw sa una kong natagpuan.

Mabilis ang paglipas ng mga taon. Na-impress ako ng sobra - sa mga pinakita mo sa akin kaya pinili kong sundan ka saan ka man mapadpad. Napasama ako sa Encanto dahil sa iyo at doon ay naging kabilang tayo sa isang grupong ituturing nating pamilya pagdating ng panahon. Hindi man tayo mag-usap madalas, alam ko na nandiyan ka lang. Magkatampuhan man kayo ng isa sa mga kasama natin, nawa'y malaman mo sana na sa mga oras na iyon, wala sa plano ko ang tumalikod sa iyo. 

Alam ko rin naman hindi mo kami tatalikuran.

And my belief proved me right. With just a three-worded text, andami mong pinarealize sa akin. Pinatunayan mo na ang pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa dalas ng inyong pag-uusap, pagkikita, o kaya naman ay pagsasaliksik sa mga buhay-buhay. It's about the memories. Yung pagsasamahan. At habang iniisip ko ang blog na ito, isa lang ang tumatak sa akin.

Habangbuhay kita magiging tropa.

And I went back to where it all started. Yung unang meet-up natin. Yung mga hinayupak na Red Horse. Yung iniwan mo ako bigla para mag banyo at napilitan akong kantahin yung "Wherever You Will Go" kahit tumba na ako sa kalasingan. Alam mong hanggang ngayon, yun pa rin ang alam kong kantahin sa tuwing nagvi-videoke tayo. Yung pinakilala mo ako sa mga tropa mong lesbyana - at sa una at huling pagkakataon, nakapasok ako sa mga lumang dormitory malapit sa Letran. At higit sa lahat, may isang distinction ka na kaunting-kaunti lang ang nakalampas. I won't go into details, but so you would know, bilang lang sa daliri ang binalikan ko't ginawang kaibigan.

I won't reply to your text. But to answer your question, Mia Patro means My Father in Esperanto. Duguin na ang ilong mo, pero tiyak ko, sanay ka na sa mga ka-weirdohan ko. At para malaman mo na hinding-hindi ako nakakalimot - sa lungkot, saya, sa mga kuwentong nakakarating sa akin, sa mga harutan natin kapag nagkakatabi tayo sa upuan tuwing may inuman sa Timog, sa mga bagay-bagay na pinalampas ko dahil kaibigan kita,

Papa Tagay.






Some friendships outlive the place, where bonds were planted and first grew roots.